Tuesday, August 20, 2013

AGOSTO BENTE : BAGYONG MARING

Malakas ang ulan sa labas. Tila galit ang hangin sa paghampas. Tila malungkot ang mga ulap at panay kuha naman ng litrato ang mga kidlat. Nagising ako sa ingay dala ng bagyo. Tinignan ko ang oras, alas dos na ng madaling araw. Sumilip sa bintana, may kuryente na ang mga kapit-bahay. Sa wakas, pwede na akong mag-internet sa telepono ko. Binuksan ko ang twitter para manchismis sa mga kaganapan around the metro. Nakaka-gulat, parang Live News ang feed ko. "Okay, baha na! Time to make angat our things! Bye muna twitter." Natawa naman ako, uunahin pa talaga ang pagtweet bago asikasuhin ang baha. At nag-paalam pa talaga sa twitter?!

Anyways, pinili kong di pumasok sa araw na ito. Hindi madaling desisyon. Nakaligo na ako at handa na magbihis nang bumuhos ulit ang ulan. Ayos lang yan, sabi ko. May payong at bota naman ako. Kailangan kong pumasok dahil may mga naiwan pa akong trabaho at deadline ko na kinabukasan. Critical working week. Pero nanaig ang takot ko para sa pamilya ko kung kaya't pambahay na damit ang isinuot ko.

Sa totoo lang, mas gusto ko pa ang ulan kesa sa araw. Maliban sa maganda itong excuse para maging tamad at humilata sa kama, ay natutuwa ako sa tunog ng mga patak nito. Para akong dinadala sa ibang dimensyon na kung saan nakalutang ako. Hindi ako emo, sadyang relaxing lang talaga ang feeling. Self-meditation. Pero nagbago lahat ng ito dahil kay Ondoy. Mula nang maranasan kong ma-stuck sa loob ng bahay na may tubig abot leeg sa loob ng humigit-kumulang kalahating araw ay natakot na ako sa ulan. Mahina man o malakas ay bumibilis agad ang tibok ng puso ko. Binabalik lang nito ang masaklap na ala-ala.

Tinext ko ang mga matalik kong kaibigan na sila ring katrabaho ko. Mga matitibay, pumasok ang mga kumag. Di nagpatinag sa bagyo. Okay naman daw sila. Dadalhin daw sila sa isang hotel after shift para dun magpalipas at matulog, at para din hindi sila mastranded. Natuwa naman ang mga gago. Hindi nila naintindihan ang tunay na sinasabi ng boss namen. "May damit ka man o wala, pamalit na panty o brief, wala akong pakialam. Bahain man ang bahay niyo, mawalan man kayo ng gamit, magkanda leche-leche yang pamilya niyo, wala akong paki! Ang importante pumasok kayo bukas at kailangan natin kumita ng pera!!" Yan ang mga salitang nasa likod ng FREE HOTEL STAY.

Iba talaga ang nagagawa ng pera sa tao. Hindi mo mararamdaman, magugulat ka na lang na isa ka ng sakim at alipin nito. Kinain na ng sistema ang utak mo at kinalawang na ang buhay mo. Nakakalungkot isipin. Nakaka-awang tignan. Kailan kaya nila maiintindihan na hindi rin naman nila madadala sa kamatayan ang pera? O na hindi rin naman sila aabot sa langit dahil sa kasakiman nila? Nawa'y mapagtanto nila ito.

Madami pa sana akong ikukwento pero tinatawag na ako ng kama ko. Sana makatulog ako, medyo nakakatakot na ang tunog ng mga kulog. Ipagdadasal ko na sana safe lahat ng mga kaibigan at kapamilya ko, at ikaw din na nagbabasa nito. Good night!

No comments:

Post a Comment